Puspusang isinusulong ng 106 TRABAHO Partylist ang panawagan para sa mas malawak na reporma sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO), na layong palakasin ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, lalo na sa aspeto ng patas na pamamahagi ng workload.
Ang panawagan ay kaugnay sa mga naging pakikipag-usap ng 106 TRABAHO sa mga kasalukuyang nagtatrabaho sa mga BPO companies, pati na rin sa mga industry report tungkol sa mga hamong kinakaharap ng karamihan ng call center agent at iba pang BPO employees.
Binigyang-diin ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng 106 TRABAHO, ang mga hamon na kinakaharap ng mga BPO worker, kabilang ang labis na workload, kakulangan sa tauhan, at kawalan ng sapat na kaalaman sa karapatan sa lugar ng trabaho.
“Ang labis na pagbubuhos ng trabaho sa mga manggagawa habang kulang ang mga empleyado ay isang tahimik na krisis sa maraming BPO offices. Kailangan natin ng malinaw na mga patakaran at pananagutan para matiyak na walang empleyado ang mabibigatan ng di-makataong workload,” pahayag ni Espiritu.